PASIG, Philippines — Hindi na magbibigay ng ekstensyon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang ibinibigay na libreng sakay sa bagong lunsad na Pasig River Ferry System (PRFS) na magtatapos na sa darating na Enero 31.
Sinabi ni MMDA Deputy Chairman Undersecretary Frisco San Juan Jr. na ito ang napagkasunduan matapos ang pulong nitong nakaraang Enero 7 sa pagitan ng Office of the President at iba pang ahensya.
Matapos ang Enero 31, mag-uumpisa nang maningil ng pasahe ang PRFS na tiniyak ni San Juan na gagawin nilang abot-kaya sa mga pasahero kumpara sa mga nakalipas na operasyon.
Isinagawa ang libreng sakay upang mahikayat ang mga pasahero na tangkilikin at makasanayan ang pagsakay sa ferry boats patungo sa kanilang mga destinasyon sa Metro Manila at upang maging alternatibong uri ng transportasyon tulad ng ginagawa sa ibang mga bansa.
Unang inilunsad ang ferry service sa Ilog Pasig noong 2014 sa ilalim ng isang pribadong kompanya at muli noong 2015 ng MMDA ngunit pawang hindi nagtagumpay.
Kasalukuyang may pitong ferry boats na ang PRFS na kaya umanong magsakay ng 40,000 pasahero sa loob ng isang buwan.
May ruta ito mula Pinagbuhatan Station sa Pasig City, Guadalupe Station sa Makati, at Escolta Station sa Maynila.