MANILA, Philippines — Mapayapa ang naging pagdiriwang sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Metro Manila makaraang walang maitalang malaking insidente ng karahasan at krimen habang malinis din ang mga pulis ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa pagpapaputok ng baril.
Ito ang nabatid kay NCRPO Director PBGen. Debold Sinas na nagsabing pinakamalaking kontribusyon umano rito ang pagbabawal sa pagbebenta at pagpapaputok ng ilang uri ng paputok at pailaw at kampanya ng pamahalaan na gumamit na lamang ng mga alternatibong paraan ng pag-iingay.
Inaresto ng mga pulis ang nasa 20 lumalabag sa ‘firecracker ban’ habang tinatayang nasa P491,000 halaga ng mga iligal at walang permisong paputok ang nasamsam sa Kamaynilaan.
Tinataya naman na nasa 144 ang mga biktima ng paputok base sa datos ng NCRPO. Kabilang dito ang 28 sa Northern Police District, 16 sa Eastern Police District, 69 sa Manila Police District, lima sa Southern Police District at 26 sa Quezon City Police District.
Kinilala rin ni Sinas ang kooperasyon ng publiko sa hindi paggamit ng paputok at pagpapaputok ng baril na sa mga nakaraang selebrasyon ay kumitil ng ilang buhay.