MANILA, Philippines — Isang 16-anyos na dalagitang estudyante ang nagsampa ng reklamo sa pulisya matapos umano siyang dukutin ng tatlong lalaki na sakay ng puting van at pagkatapos ay ginahasa noong Lunes at masuwerteng nakatakas matapos ang tatlong oras.
Nabatid na hindi muna inilabas ng Pasig City Police ang report sa katuwirang premature pa at kanila pang iniimbestigahan.
Sa dokumentong nakuha ng mga mamamahayag, nabatid na ang biktima ay galing sa isang Christmas party noong Disyembre 9 at habang naglalakad dakong alas-12:00 ng madaling araw sa isang kalsada sa Barangay San Joaquin ay hinintuan siya ng puting van.
Bumaba rito ang tatlong lalaki at tinakpan ng panyo ang mukha dahilan para mawalan siya ng malay-tao at naramdaman na lamang niya na siya ay binuhat at isinakay.
Nagising na lamang nang maramdamang halinhinan na siyang ginagahasa ng mga suspek sa loob mismo ng van habang sila ay bumibiyahe.
Makalipas ang may tatlong oras ay tumigil umano ang van sa isang hindi niya tukoy na lugar at nang mapunang bahagyang nakaawang ang likurang pintuan ng van ay sinamantala ng biktima ang pagkakataon upang makatakas.
Hindi umano pamilyar ang dalagita sa lugar na kanyang tinakbuhan at nang may makitang residente ay nagtanong at natukoy na nasa area siya ng Quiapo, Maynila.
Itinuro umano sa kanya ng residente ang lugar kung saan siya makakasakay ng jeep patungong Pasig City kaya’t nagawa niyang makauwi ng kanilang bahay.
Umaapela naman ang pamilya ng biktima sa pulisya na imbestigahan ang insidente dahil ilang alagad ng batas umano ang hindi kumbinsido at hindi naniniwala sa reklamo ng biktima batay na rin sa unang naging pahayag ng pamunuan ng PNP na hindi totoo ang nangyayaring nandurukot ang mga sakay ng puting van.
Sinabi naman ni Pasig City Police chief, P/Col. Moises Villaceran na lumabas na ang resulta ng medical examination na isinagawa sa biktima at may hawak na rin umano silang composite sketch ng isa sa mga suspek, na inaasahan niyang makatutulong sa kanila para maaresto ang mga ito.