Lady manager ‘dinukot, binugbog’ ng binasted na manliligaw

MANILA, Philippines — Isang lady manager ng isang restuarant ang umano’y dinukot, binugbog at pinagbantaan pang papatayin ng kanyang binasted na manliligaw sa Marikina City kahapon ng madaling araw.

Pinaghahanap na ng mga pulis ang suspek na si Erwin Quipado, 38, dahil sa reklamo ng 32-anyos na biktimang hindi na pinangalanan para sa proteksiyon nito.

Batay sa imbestigasyon ng Marikina City Police, dakong alas-12:00 ng madaling nang maganap ang insidente sa Gen. Ordoñez Street, Brgy. Marikina Heights, SSS Village, Barangay Concepcion Dos, Marikina City.

Sa reklamo ng biktima, na manager ng isang restaurant sa lugar,  lumilitaw na minamaneho niya ang kanyang sasakyan na isang Nissan sa Gen. Ordonez St., nang bigla na lang siyang harangin ng suspek na isang regular na kostumer ng restaurant na kanyang pinagtatrabahuhan at nanliligaw din sa kanya.

Armado ng sumpak, sumakay ng sasakyan ang suspek at saka inu­tusan ang biktima na magmaneho patungo sa bahay ng suspek sa SSS Village.

Sapilitan umanong ipinasok ng suspek ang biktima sa kanyang silid at dito ay isinagawa ang pambubugbog kung saan paulit-ulit na iniumpog ang kanyang ulo sa TV rack na gawa sa kahoy habang nakatutok pa rin sa kanya ang dala nitong sumpak, hanggang sa tuluyan siyang mawalan ng malay.

Nang bumalik ang uli­rat ng biktima, binantaan pa umano siyang papatayin ng suspek, at saka tinangay ang kanyang Samsung S10 cellphone, wallet na may lamang P6,000, at ATM card, at saka siya ikinulong sa loob ng bahay nito, bago umalis.

Sa tulong ng isang concerned citizen ay nagawang makatakas ng biktima at nakapagsumbong sa mga awtoridad hinggil sa kanyang sinapit.

Nagsasagawa na ngayon ng follow-up ope­ration ang mga pulis upang maaresto ang suspek.

Show comments