MANILA, Philippines – Natupok ng apoy ang isang pabrika ng pansit sa Brgy. Balon Bato sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Quezon City Bureau of Fire Protection Fire Marshal Sr. Supt. Jaime Ramirez, ang sunog ay nagsimula dakong alas-3:00 ng madaling araw sa 2 storey building na pabrika ng pansit na matatagpuan sa Brgy.Balon Bato, Quezon City.
Sinabi ni Ramirez, nagmula ang apoy sa likurang bahagi na kinalalagyan ng pugon ng pabrika at mabilis na kumalat na umabot sa ikalawang alarma.
Sa mabilis ng pagresponde ng mga bumbero ay agad namang naapula ang apoy makalipas kalahating oras at hindi na kumalat pa sa mga katabing residential area.
Wala namang iniulat na nasawi at nasugatan sa sunog habang inaalam pa kung magkano ang halaga ng ari-arian na tinupok ng apoy.