‘Hindi ako anti-media’- NCRPO chief

“Hindi ako anti-media, I’ve never been. Ako I have been assigned as RD (regional director) ng PRO 7 for one year and four months. Akin lang is orderliness,” paglilinaw ni Sinas.
Clydyl Avila/File

MANILA,Philippines — Iginiit kahapon ni acting National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, Brig. Gen. Debold Sinas na hindi siya ‘anti-media’ kasunod ng pagpalag ng ilang miyembro ng press sa pagbuwag sa kanilang tanggapan sa loob ng isang istasyon ng Quezon City Police District (QCPD).

“Hindi ako anti-media, I’ve never been.  Ako I have been assigned as RD (regional director) ng PRO 7 for one year and four months. Akin lang is orderliness,” paglilinaw ni Sinas.

Sinabi niya na hindi niya binuwag ang NCRPO Press Club na nag-oopisina sa Extension Office ng NCRPO sa QCPD Station 10 sa Kamu­ning, ngunit kinuha lamang niya ang pag-aari nila upang magamit ng pulisya. Nabatid din naman niya na may hiwalay pang opisina ng media sa baba ng Station 10 kaya minabuting bawiin niya ang NCRPO Extension Office. 

“Wala akong pakialam kung magalit sila sa akin, I talked to them properly na bigyan ng time na ganun...if ganun ang dating masama sa kanila pasensya na po di ba,”dagdag pa niya.

Gagamitin umano niya ang extension office para magkaroon siya ng opisina sa gitna ng Metro Manila, upang madaling makarating sa ibang District Office dahil sa matinding traffic, at paggaganapan ng regular na press conferences.

Ito ay makaraang batikusin din si Sinas ni Ang Probin­syano Partylist Rep. Ronnie Ong at sinabing hindi nararapat sa puwesto ang hene­ral makaraang tila i-downplay umano ang pagkakasangkot ng 16 na pulis sa pagpapasok ng kontrabando sa New Bilibid Prisons.

Pinabulaanan din ito ni Sinas at iginiit na “due process” ang kaniyang hangad para sa mga pulis at upang hindi mahusgahan agad habang hindi pa nailalabas ang resulta ng imbestigasyon sa kanila.

“But alam nyo its their opinion, anong gagawin ko magmumukmok na lang ako?  Kapag sinabi ng (PNP) OIC na because of that tanggalin ako, sabihin ko sa inyo isang oras turnover agad,” saad pa ng heneral.

Show comments