MANILA,Philippines — Ipinasya ng Department of Transportation (DOTr) na suspindihin ang tatlong Private Emission Testing Centers (PETCs) nito makaraang matuklasang namemeke ng resulta ng isinasagawa nilang emission tests.
Ayon sa DOTr, inisyuhan nila ng preliminary suspension order (Department Order 2016-017), sa pamamagitan ng Investigation Security and Law Enforcement Staff (ISLES), ang mga naturang PETCs na kinabibilangan ng Prima Smoke Emission Testing Center, sa Balintawak St., Soledad, San Jose, Camarines Sur; Triple D Emission Test Center, sa Romulo Highway, San Vicente, Tarlac City at And 01 Emission Testing Center, sa Agora Poblacion, Tubod (Capital), Lanao Del Norte.
Epektibo umano ang suspensiyon laban sa mga naturang PETCs sa loob ng 90-araw o tatlong buwan. Kaugnay nito, nabatid na pinadalhan na ng DOTr ng kopya ng suspension order ang mga naturang emission testing centers.
Inimpormahan na rin umano ng DOTr ang Information Technology (IT) Service Provider ng mga naturang PETCs hinggil sa suspensyon.
Binalaan din ng DOTr ang mga naturang IT Service Provider, na papatawan ng kahalintulad na parusa kung babalewalain ang kanilang kautusan, sa pamamagitan nang patuloy na pagproseso ng mga datos na isinusumite ng mga suspendidong PETCs sa kanilang tanggapan.