MANILA,Philippines — Dalawang hinihinalang mga gunrunner ang napatay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Northern Police District (NPD) habang nadakip ang apat pa nilang kasamahan sa ikinasang buy-bust operation, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Inisyal na nakilala ang mga napaslang na suspek na sina Nelson Lorenzo at alyas Mike Sultan habang ang mga nadakip naman ay sina Julius Abeja; Imelda Navida ; Dande Camsarin at Jesus Encarnacion.
Sa ulat ng NPD, ikinasa ang operasyon sa ilalim ng ‘Oplan Paglalansag Omega’, ‘Oplan Salikop’ at ‘Big Bertha’ ng CIDG katuwang ang mga tauhan ng District Special Operations Unti at Police Communtiy Precinct 3 ng Caloocan City Police dakong alas-3:30 ng hapon sa may Phase 9 Package 7A Brgy. 176 Bagong Silang, ng naturang lungsod.
Isang poseur buyer ng pulisya ang nakipagtransaksyon sa suspek na si Lorenzo para makabili ng isang kalibre .38 baril kapalit ng P3,500 marked money. Nang magkabentahan, nakahalata ang suspek na pulis ang kanyang kaharap kaya agad na tumakbo papasok ng kanyang bahay kasama ang mga kasabwat.
Tinangkang tumakas ang mga suspek nang tumalon sa katabing lote ngunit sinundan sila ng mga nakaantabay na mga pulis na pilit silang pinasuko. Sa halip na tumalima, nagpaputok umano ang mga suspek kaya nagkaroon ng palitan ng putok sa magkabilang-panig.
Nakumpiska ng mga pulis ang dalawang kalibre .38 baril, isang improvised gun o sumpak, ilang pakete ng shabu na may timbang na 100 gramo at may halagang P200,000.