Lalaki sa MRT-3 patay; Biyahe ng tren apektado

"Bandang 12:16 p.m. ngayong araw, isang pulubi ang tumalon paakyat at nahulog sa intersection ng riles ng Buendia at Ayala," sabi ng DOTr MRT-3 sa kanilang paskil sa Twitter sa Inggles.
Released/DOTr MRT-3

MANILA, Philippines — Naantala ang biyahe ng mga tren sa MRT-3 matapos maiulat ang pagkamatay ng isang lalaki sa riles.

Ayon sa ulat ng News5, kinumpirma ni MRT-3 Director Michael Capati na binawian ng buhay ang nabanggit at hinihintay pang makuha ng Philippine National Police—Scene of the Crime Operatives.

"Bandang 12:16 p.m. ngayong araw, isang pulubi ang tumalon paakyat at nahulog sa intersection ng riles ng Buendia at Ayala," sabi ng DOTr MRT-3 sa kanilang paskil sa Twitter sa Inggles.

Tinutugunan na raw ito ng mga kawani ng tren, medical personnel at pulisya.

Dahil sa insidente, limitado ang biyahe ng mga tren.

"As of now, North to Shaw (vice versa) ang may byahe po ng MRT-3. We will provide an update kung maibabalik na po to full operations ang MRT-3," tugon ng MRT-3 sa isang netizen.

"Salamat po sa pag-unawa."

Hindi tuloy maiwasang makunsumi ng ilang komyuter, maging ang ilang celebrities na pasakay na sana ng tren.

"Nahinto po ang MRT Northbound guys! Ako mismo isang oras nag-antay hoping to get to work faster and cheaper," ayon kay Aya Fernandez, na VJ ng music channel na MYX.

Sa kabila ng lahat ng aberya sa mga tren, naninindigan ang Palasyo na walang krisis sa mass transit system ng bansa.

Show comments