MANILA, Philippines — Pinalilitaw ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang isang dating opisyal ng baranggay upang makapagpaliwanag sa mga ipinupukol sa kanya kaugnay ng iligal na droga.
Pinangalanan kasi ng Philippine Drug Enforcement Agency at National Capital Region Police Office si Guia Gomez-Castro, dating chairwoman ng Barangay 484 sa Sampaloc, Maynila bilang nasa likod ng pagre-recycle ng nakukumpiskang droga ng "nina cops."
"[H]inihikayat ko kayo na kayo po ay lumutang at ipaliwanag ang inyong sarili sa mga bagay na nabanggit laban sa inyo," wika ni Domagoso sa kanyang livestream ngayong Miyerkules.
"Itong pagkakataong ibinibigay ko ay para sa ganoon naman kayo naman ay malinis ang inyong pangalan," dagdag ni Domagoso.
Ayon sa alkalde, hindi naman daw siya basta-basta naniniwala sa mga paratang at dapat mabigyan ng pagkakataon ang dating chairwoman.
"Itong mga ganitong akusasyon, ang tanging solusyon dito ay... kayo po ay magpaliwanag sa opisina ng NCR director ng Philippine National Police at ng PDEA."
Nahalal si Castro nitong huling baranggay election ngunit naghain daw ng leave of absence noong ika-25 ng Abril hanggang ika-25 ng Hunyo.
Hindi pa rin daw siya bumabalik magpasahanggang ngayon, dahilan para kunin ng numero unong kagawad ang kanyang posisyon sa pamamagitan ng resolusyon.
Wala na sa Pilipinas
Sa panayam ng DZMM kanina, sinabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar na nakalabas na ng Pilipinas si Castro.
"Ngayon ang balita natin, out of the country [na siya]... Wala man s'ya ngayon e iyong mga galamay niya, ipa-paralyze natin para wala na s'yang magagawa at eventually, magkakaroon din po ng tamang araw para sa kaniya," wika ni Eleazar.
Ika-21 ng Setyembre raw nito Sabado tumulak papunta ng ibang bansa si Castro, ayon sa Bureau of Immigration.
Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, hinayaan lumabas si Castro umalis ng bansa dahil wala siyang "derogatory records."
Sinasabing 16 "ninja police" ang kasabwat ng tinaguriang drug queen.
Siyam sa kanila ang sinasabing napatay na habang nakakulong na ang isa pa, paliwanag ni Eleazar.
Dagdag ng PNP, patuloy pa rin ang ginagawang case build up laban sa dating opisyal.
Bukas naman daw ang tanggapan ni Domagoso para kay Castro at handang magpaabot ng anumang kinakailangang tulong.
Binalaan din ng mayor ang lahat ng opisyal ng baranggay na huwag makikisangkot at maging protektor ng iligal na droga.
Nangyayari ang lahat ng ito kasabay ng kampanyang "gera kontra droga" ng Pangulong Rodrigo Duterte.