MANILA, Philippines – Masusing iniimbestiga-han ngayon ng Caloocan City Police ang mga kasong hinawakan ni Caloocan City Regional Trial Court Prosecutor Elmer Susano kaugnay ng naganap na pananambang sa kanya kung saan nakaligtas ito, kamakalawa ng hapon sa naturang lungsod.
Tumanggi muna si Caloocan City Police chief, PCol Noel Flores na magbigay ng detalye sa ginagawa nilang imbestigasyon ngunit una na niyang sinabi na nakakatanggap ng death threats ang biktimang si Elmer Susano, Chief Inquest Pro-secutor ng Caloocan City Prosecutor’s Office.
Sa inisyal na ulat dakong alas-3 ng hapon, kalalabas lamang sa isang restoran sa kanto ng 9th Avenue at B. Serrano Street, East Gracepark, Caloocan si Susano at sakay na ng kanyang Toyota Hilux pick-up truck nang umatake ang tatlong lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo.
Pinagbabaril ng mga sa-larin ang bintana sa driver’s seat ng kotse ngunit bigo na mapatamaan ang target na prosecutor dahil sa “bulletproof” pala ang behikulo.
Sa video footage ng CCTV sa lugar, nakita pa na nabundol ng pick-up truck ang isa sa motorsiklo nang magmaniobra paatras bago pinaharurot ni Susano ang sasakyan patungo sa direksyon ng EDSA. Humabol pa ang mga salarin ngunit bumitiw na rin.
Narekober sa lugar ang nasa 13 basyo ng bala buhat sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.