Babuyan sa Quezon City, ipasasara

Nagsimula nang ilipat ng ilang may-ari ng piggery sa QC ang kanilang mga alagang baboy kaugnay sa kautusan ng pamahalaang lungsod na pagpapasara sa mga babuyan dito.
Kuha ni Michael Varcas

Bago pa mahawa sa iba, idispatsa na!

MANILA, Philippines – Nagbanta ang Quezon City Veterinary Office na ipasasara nila ang mga piggery sa lungsod dahilan sa ilang kaso ng pagkamatay ng ilang baboy sa Rodriguez Rizal na katabi lamang nito.

Sinabi ni Veterinary Office head Dr. Ana Cabel,  bibigyan ng anim na buwan ang piggery owners sa QC para i-relocate o ibenta agad ang kanilang mga alagaing baboy bago pa man mahawa sa anumang uri ng sakit na dinaranas ng ilang piggeries sa Ro-driguez Rizal.

Nilinaw naman ni Cabel na wala silang kukumpiskahing mga alagaing baboy kundi aabisuhan lamang ang mga may-ari na ilipat sa ibang lugar o maagang ibenta ang alaga hangga’t wala pang kaso ng pag-usbong ng sakit sa mga babuyan sa lungsod.

Idinagdag pa nito na patuloy na nag-uusap ang mga stakeholder at brgy. officials hinggil sa kalagayan ng mga piggeries sa QC  sa utos na rin ni Mayor Joy Belmonte.

Mahigit anim na libong kilo ng hot meat ang nakumpiska sa boundary ng QC at San Mateo Road ka­makalawa.

Nilinaw din ni Cabel na wala pang kaso ng pagkamatay ng mga baboy sa lungsod.

 

Show comments