Katiting na rolbak sa susunod na linggo

MANILA, Philippines — Makakaranas ng maliit na pagbaba sa presyo ng petrolyo ang mga motorista at iba pang komukonsumo ng petrolyo sa bansa ngayong darating na linggo, ayon sa mga oil experts.

Base ito sa pagtataya sa presyo ng petrolyo sa international market kabilang na ang Mean of Platts Singapore (MOPS).  Ibinase rin ito sa antas ng kalakalan sa pangmundong merkado mula Agosto 19 hanggang 22.

Ibinabase ang presyo ng petrolyo sa Pilipinas sa  MOPS bilang benchmark.  Ito ang arawang average ng transaksyon sa diesel at gasolina.

Sa pagtataya ng independent oil player na Jetti, maaaring maglaro mula P.10-P.15 sentimos kada litro ng diesel at P.20-P.25 sa kada litro ng gasolina ang maaa­ring ibaba.  Tinataya naman na nasa P.10-P.15 sentimos kada litro ang ibababa sa kerosene.

Maaari pa namang mabago ang ibababa sa presyo ng petrolyo depende sa kalakalan at ibabase sa cut-off nitong Biyernes (Agosto 23) na hindi agad nakasama sa komputasyon.

Karaniwang isinasagawa ang pagbabago sa presyo ng petrolyo tuwing Martes ngunit may ilang mga kompanya ng langis ang nauuna na sa kumpetisyon.

Sa datos buhat sa DOE, nasa P4.85 kada litro sa gasolina at P3.45 sa kada litro ng diesel na ang kabuuang itinaas sa presyo mula nitong Enero 2019.

 

Show comments