MANILA, Philippines — Dahil sa masamang panahon nitong nagdaang mga araw, dalawang malalaking billboards ang nabaklas mula sa pagkakakabit sa magkahiwalay na lugar sa Maynila, iniulat kahapon.
Kahapon ay isinara ang Arroceros St., sa likod ng Manila City Hall dahil sa pagkalas ng bakal na kinalalagyan ng higanteng billboard dahil sa malakas na hangin, sa harapan ng isang kilalang mall sa lugar.
Samantalang noong Huwebes ay isa ring billboard ang bumagsak mula sa isang kilalang supermarket sa Divisoria, Binondo.
Wala namang naiulat na tinamaan o nasaktan sa naturang insidente.
Nagbabala naman si Manila City Mayor Isko Moreno sa mga motorista at pedestrians na mag-ingat sa mga lugar na may mga bagay sa itaas na maaaring liparin at bumagsak tulad ng mga billboard.
Ipinag-utos naman ni Moreno sa mga billboard owners and operators na tiyaking ligtas ang kanilang mga billboards.
“We are directing all billboard owners and operators in the city to be responsible enough to check on the safety of their operations and not to pose hazards to the safety and lives of the public,” ani Moreno.