MANILA, Philippines — Mahigit sa 1,500 pamilya na informal settlers ang binigyan ng kanilang sariling lupa ng Marikina City government.
Nabatid na ang nasabing bilang na pamilya na nagkaroon ng kanilang sariling titulo ng lupa ay naibigay sa kanila mula nang manungkulan sa puwesto si Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro noong 2016.
Sinabi ni Nena Tiglao, hepe ng Marikina City Land Management and Community Relations Division, ito’y bahagi ng pagsusumikap ng alkalde na magkaroon ng sarili nilang lupa ang mga residente ng lungsod.
Ayon kay Teodoro, land ownership ang isinusulong nilang proyekto, at hindi housing program upang magkaroon ng sariling lote ang bawat pamilyang naninirahan doon.
“Wala kaming housing program sa Marikina dahil financially it will constrain, burden the government funds kaya ang ginawa namin dito ay tenureship sa lupa. Titulo at hindi rights ang wino-workout namin. Mas sigurado,’’ paliwanag pa ng alkalde.
Nabatid na ang Marikina LGU ay mayroong 248 settlement areas, na mayroong 20,000 residente.
Tinitiyak naman ng akalde na lahat ng naturang settlement areas ay ligtas, dahil ang kaligtasan ng mga mamamayan ang kanila umanong pangunahing prayoridad.