MANILA, Philippines — Apat na babae ang nasawi habang isang lalaki ang sugatan matapos sumiklab ang isang sunog at lamunin ng nangangalit na apoy ang tatlong unit sa Bliss condominium sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Ang mga sawing-palad na biktima ay kinilalang sina Genevieve Era, 46; Emma Canlas, 80; Serna Canlas, 38; at Christine Villaverde, nasa hustong gulang, habang sugatan naman si Oliver Canlas, 50-anyos.
Batay sa ulat ng Talipapa Police Station 3 (PS-3) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas- 2:26 ng madaling araw ay nasa kasarapan ng pagtulog ang mga biktima nang sumiklab ang sunog sa Unit 114 ng Bliss Condominium, sa Himlayan Rd., Brgy. Pasong Tamo, na pagmamay-ari umano ni Era.
Kaagad na nasawi sina Era at Emma na natagpuan sa tabi ng kanyang wheelchair habang naisugod pa sa magkahiwalay na pagamutan sina Serna at Christine ngunit kinumpirma ni SFO1 Timoteo Doltra na binawian na rin ng buhay ang mga ito habang nilalapatan ng lunas dahil sa supokasyon at pagkasunog ng katawan.
Patuloy pa rin namang ginagamot at inoobserbahan sa Quezon City General Hospital si Oliver.
Inabot lamang ng ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naideklarang fireout ng mga pamatay-sunog dakong alas-3:22 ng madaling araw.
Inaalam pa umano ng mga otoridad ang pinagmulan ng sunog na tumupok din sa P100,000 halaga ng mga ari-arian.