Indian national nandugas ng P40K, arestado

MANILA, Philippines — Sa selda ang bagsak ng isang Indian national matapos tangayan ng P40,000 ang dalawang babaeng kanyang nabiktima nang pa-ngakuang kikita ng malaki  sa isang networking company, Sabado ng hapon sa Malabon City.

Himas-rehas ngayon sa kasong Swindling ang suspek na si Guinishan Brar, alyas “Rocky Singh”, 25, binata at nakatira sa No. 20 Governor Pascual St., Brgy. Sipac Almacen, ng naturang lungsod.

Inireklamo siya ng kanyang mga biktima na sina Marian Jane Perez, 22, isang online seller, residen­te ng Bago Bantay, Quezon City at si Cassie Faith Vicera, 20, estudyan­te, at nakatira sa Brgy. 308 Quiapo, Maynila.

Sa ulat ng Malabon City Police, alas-5:00 ng hapon nang makipagkita ang dalawang biktima kay Brar sa loob ng isang mall sa may C4 Road sa Brgy. Longos, at nagbigay ng kabuuang P40,000 bilang investment sa isang networking company.

Nang maibigay ang pera, nagpaalam ang Indian national na pupunta lang sa palikuran ng mall ngunit hindi na bumalik habang hindi na rin nila makontak ang cellphone nito.

Alas-7:00 ng gabi nang magpasya ang dalawang babae na dumulog sa Malabon City Police Community Precinct 3 at ireklamo ang dayuhan.

Nagkasa ng follow-up operation ang mga pulis at natunton ang bahay ni Brar na nagresulta ng kanyang pagkakadakip.

Show comments