MANILA, Philippines — Bulto-bulto ng bigas, asukal, kape at noodles ang ilan lamang sa food supply na nadiskubreng ibinaon sa isang hukay sa loob ng Manila Boystown.
Ayon kay Manila City Mayor-elect Isko Moreno Domagoso, maliwanag na pananabotahe ito sa susunod na administrasyon na dapat na imbestigahan.
Kahapon ng umaga nang magsagawa ng inspeksyon si Domagoso sa Boystown kung saan nadiskubre ang tambak na mga food supplies na nakabaon sa 10-feet hole. Bukod sa mga nabanggit na food supplies, mayroon ding oatmeal at chocolate na pawang hindi pa expired.
“Ayon sa report na natanggap natin sa social media, itinapon daw ang mga pagkain na ito para hindi magamit ng susunod na administrasyon,” ani Domagoso.
Giit ni Domagoso, hindi pa sira ang mga pagkain at maaari pang pakinabangan ng mga nasa Boystown.
Aniya, pag-aari ng pamahalaan ang mga itinapon kaya’t dapat na ipinaaalam muna sa head ng center.
Dagdag pa ni Domagoso dapat na maibestigahan ang insidente upang mapanagot ang responsable.
Inamin naman ni Manila Social Welfare Department chief Nanette Tanyag na siya mismo ang nag-utos na itapon ang mga bigas, noodles at iba pang food supply na nadiskubreng ibinaon sa loob ng Boystown.
Sa telephone interview kay Tanyag, sinabi nito na nagdesisyon siyang ipatapon ang mga bigas at iba pang food supply dahil hindi na ito maaaring gamitin.
Ang Manila Boystown ay nasa pangangalaga ng DSWD.
“Not fit for human consuption ang mga pagkain. Mahirap na ipakain sa mga nasa Boystown mas lalong nasa panganib ang kalusugan ng mga ito,” ani Tanyag.
Tulad aniya ng bigas na binukbok dahil sa pagkakabasa ng ulan. Ang mga pagkain na kanilang ibinaon ay mga expired.
Binigyan diin ni Tanyag na hindi pananabotahe ang kanilang ginawa dahil mas isinaalang-alang nila ang kapakanan ng mga nasa Boystown.