MANILA, Philippines — Hinuli ng mga otoridad ng National Parks Development Committee (NPDC) ang apat na vendor kabilang ang isang menor-de-edad dahil sa pagtitinda ng mga ito ng China flag sa bisinidad mismo ng Rizal Park sa Maynila habang tinutugis naman ang tatlong lalaki na sinasabing nag-utos sa mga ito na ilako ang mga naturang watawat kahapon ng hapon.
Mismong si NPDC Executive Director Penelope Belmonte ang humarap sa mga vendor at tinanong kung bakit sila doon nagtitinda ng bandila ng Tsina.
Katwiran ng mga vendor, may tatlong lalaki na nag-utos sa kanila na magbenta ng nasabing watawat kapalit ng P100.
Matapos mapagsabihan ni Belmonte ang apat na vendor ay hinayaang makaalis na ang mga vendor at sa halip ay ipinahahanap na lamang sa kanila ang mga lalaking itinuturong nagpapabenta nito na nakita naman sa CCTV footage ng NPDC.
Nabatid na hindi nagustuhan ni Belmonte ang ginawang pagtitinda sa mismong parke na mistulang pang-iinsulto sa lugar.