MANILA, Philippines — Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Central Mail Exhange Center (CMEC), Pasay City, ilang metro ang layo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2, ang anim na paketeng ilegal na inangkat na wildlife at agad na inilipat sa pangangalaga ng Wildlife Trafficking Management Unit (WTMU-DENR), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Bureau of Animal Industry (BAI), kamakalawa.
Sinabi ni NAIA Customs District Collector Mimel Talusan, na dalawang kahon dito ang may laman na 100 pirasong buhay at makamandag na Tarantulas na maaaring ang buhok o balahibo nito ay maging sanhi ng pinsala at pagkabulag ng tao.
Ang Tarantulas ay natagpuan sa loob ng transparent plastic container galing sa Poland at Malaysia at idineklarang ‘mails and toys’ ng consignee nito para mailusot sa CMEC.
Ayon kay Talusan, nadiskubre rin nila na may 71 piraso ng stingray skin na nakita sa isa pang pakete galing Jakarta, Bukod dito, isang camel hide, stuffed moose head at fox ay galing naman sa United Arab of Emirates, Norway at France.
Ang mga ito umano ay maaaring magdala ng exotic disease at magbanta nang panganib sa kalusugan sa kawalan ng mga Quarantine certificates at import permits.
Ang lumabag sa Illegal Wildlife Trade ay maaaring maharap sa pagkabilanggo ng isang (1) taon at isang (1) araw hanggang dalawang (2) taon at multang P 20,000 hanggang P200,000 batay sa RA 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act) na may kaugnayan sa RA 10863 (Customs Modernization at Tariff Act).