MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Quezon City court ang pag-aresto sa anak ni Ronnie Dayan, ang dating bodyguard nang nakakulong na si Senator Leila de Lima dahil sa pagkabigo nitong dumalo sa ipinatawag na pagdinig ng korte kaugnay ng disobedience to summon case.
Ayon sa korte, takdang tumestigo si Hannah May Dayan sa pagdinig laban kay De Lima. Ang warrant of arrest laban kay Hannah May ay ipinalabas kahapon ni QC Metropolitan Trial Court Branch 34 Judge Ma. Ludmila De Pio Lim.
Magugunitang sinabi noon ni Hannah May na nag-text sa kanya si De Lima na sabihin ang kanyang ama na huwag dumalo sa congressional hearings hinggil sa pagkaka-sangkot ng una sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons noong siya pa ang Kalihim ng Department of Justice (DOJ).
Ang arrest warrant ay inutos ni Judge Lim sa sheriff ng Urbiztondo, Pangasinan para dalhin si Hannah May sa korte.
Sa court hearing kahapon, nagpakita si Atty. Heidi Soriano ng Public Attorney’s Office (PAO), abogado ni Hannah May ng medical certificate na nagsasabing tatlong buwang buntis ang kli-yente at sensitibo ang kondisyon kaya hindi makadalo sa pagdinig ng korte.