MANILA, Philippines — Patay ang magkapatid matapos ma-trap sa loob ng nasunog na bahay, kahapon ng madaling araw sa Tondo,Maynila.
Natagpuang magkayakap pa ang mga bangkay nina Ckrezhan Francine,15, at Hazel Lance Jagunos, 12, kapwa residente ng 1153 Soriano St., Tondo. Ang mga bangkay ng magkapatid ay kinilala mismo ng kanilang ina na si Gemma Jagunos, 36, vendor.
Ayon sa Manila Police District -Police Station 2 (MPD-PS-2), dakong alas -3:30 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa tinutuluyang tahanan ng mga biktima, na sakop ng Brgy. 35, Zone 3, sa Tondo.
Nabatid na umabot lamang sa ikalawang alarma ang sunog bago naideklarang under control dakong alas-4:16 ng madaling araw, at tuluyang idineklarang fire-out dakong alas-4:37 ng madaling araw.
Matapos ng sunog ay nakita ang magkapatid sa loob ng kanilang silid na magkayakap pa na nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Nabatid kay Fire Insp. Jose Troy Juaneza, substation commander ng Tondo Fire Station, posibleng na-suffocate sa usok ang mga biktima kaya hindi na nakalabas ng kanilang silid, dahil may apoy na rin sa labas ng pinto ng bahay. Natutulog umano ang mga biktima nang iwanan ng kanilang ina upang mamalengke pero pagbalik ay malaki na ang apoy.
Lumilitaw sa imbestigasyon na naiwan ng ginang ang nilulutong kanin at nagtungo ito sa palengke. Gayunman, patuloy ang imbestigasyon ng Arson sa tunay na dahilan ng sunog.
May anim pang bahay ang nadamay sa sunog at tinatayang nasa 12 pamilya ang nawalan ng tirahan.