MANILA, Philippines — Hindi matitinag ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang hakbangin na maipatupad ang pagsasara ng mga provincial bus terminal sa EDSA sa kabila ng mga batikos at apila ng isang grupo na itigil ang implementasyon nito.
Sabi ni MMDA traffic czar Bong Nebrija, nirerespeto pa rin nila ang mga mambabatas, na magsasampa ng temporary restraining order (TRO) laban sa naturang regulasyon.
Ngunit, sinabi ni Nebrija na patuloy nila itong ipatutupad hangga’t walang utos ang Supreme Court para ipatigil ito.
“That’s part of the democratic process. They can file a TRO and we will abide by the decision of the SC based on the prayers of the petitions. But for the meantime, we will continue with our dry run,” ayon kay Nebrija.
Ang pahayag ni Nebrija ay bunsod sa kahilingan ng AKO Bicol Party-list sa Supreme Court (SC) na itigil ang MMDA Regulation No. 19-002, na pagsasara o totally pag-aalis ng lahat ng bus terminal sa EDSA.
“Pinapatay na nila habang dry run pa lang. How would we know if this is an effective measure to address traffic? This is one of the policies that will address on one of the chokepoint areas on EDSA,” sinabi pa ni Nebrija.