Kuwaiti tiklo sa qualified theft

MANILA, Philippines — Nakulong sa himpilan ng Manila Police District ang isang Kuwaiti national nang inguso ng kaniyang kababayan na may warrant of arrest umano siya sa kasong qualified theft sa Baguio court matapos arestuhin nitong nakalipas na Huwebes Santo (Abril 18) sa Malate, Maynila.

 Kinilala ang dinakip na si Fayes Badi Subaihi, 44 anyos, na nagpakilala sa mga awtoridad na siya si “Fayez B N M Alotaibi” na nanunuluyan sa Unit 103 1st Floor, White Castle Hotel  sa No. 484, Salas St.,  Ermita, Maynila.

 Nakasaad naman sa nakuhang warrant of arrest na ang pangalan niya ay Fayes Badi Subaihi, at naka- C/O ang address sa Unit 2A No. 50 Rimando Road, West Modern Site Aurora Hill, Baguio City.

Sa ulat ng MPD-Station 9, nag-ugat ang pagkakaaresto nang mapansin nina Barangay Kagawad Adelina M. Lumibao at Michael L. Catapang ng  Brgy. 727, Zone 79, District V  ang nag-aaway na mga banyaga dakong hapon ng Abril 18 sa tapat ng isang convenience store sa kanto ng Leon Guinto at Estrada Sts. sa Malate.

Nakilala ang isa na si Baraa Mohammed A Maywash, 23, stay-in student sa Monol International Education Incorporated, sa Tacay Road, Pinsao Proper, Baguio City.

Dahil sa pagtatalo ay kapwa sila inimbitahan sa presinto at doon na natuklasan na si Maywash ay complainant sa kasong qualified theft laban kay Subaihi na natunton niya sa Malate.

 Positibo niyang iti­nuro si Subaihi na may kasong nakasampa sa Baguio Regional Trial Court (RTC)  Branch 60, Baguio City court kaugnay sa pagnanakaw umano na nangyari noong Enero ng kasalukuyang taon.

Show comments