MANILA, Philippines — Arestado ang tatlo umanong miyembro ng isang drug syndicate, na konektado sa isang local ‘narco politician’ at sa ‘ninja cops’ matapos makumpiskahan ng nasa P3.5 million halaga ng shabu sa isang buy-bust operation na ikinasa ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) kahapon ng madaling araw sa Maynila.
Kinilala ni NCRPO Director P/Major General Guillermo Eleazar ang mga suspect na sina Porferio Pementera , alyas Jon-Jon, 39, itinuturo umanong lider ng ‘Pementera Criminal Gang’, na sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga sa Maynila at lungsod Quezon; ang drug runner na si Orlando Naguinlin, alyas Lando, 48 at barangay ta-nod na si Joseph Dela Cruz, 41, pawang mga taga-Zone 48, Sampaloc ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay Eleazar, alas-12:45 kahapon ng mada- ling araw nang ikasa nila ang isang buy-bust operation laban sa mga suspect sa Algostro Building, Simoun St., Brgy 484, Zone 48, Sampaloc, Manila. Katuwang ng NCRPO ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Manila Police District (MPD).
Isa sa mga pulis ang nagpanggap na bumili ng droga at nang magpositibo ay dito na dinakip ang mga suspect.
Nakumpiska sa mga suspect ang 516 gramong shabu, na ang street value ay nasa P3,508,800; 1 baril, 1 hand held radio at drug paraphernalias.
Sabi ni Eleazar, ang mga suspect ay konektado sa local narco-politicians kabilang si Brgy. Kagawad Ronnie Labongray, na nasawi sa isang police operation noong Marso 28 ng taong kasalukuyan.
Konektado rin ang grupo sa high value target ninja cops na sangkot sa drug trading activities partikular si Jolly Aliangan, na nakakulong ngayon sa City Jail.