MANILA, Philippines — Halos hindi na makilala ang bangkay ng isang 80-anyos na lolo matapos itong ma-trap sa sunog, kahapon ng hapon sa Makati City.
Ang biktima na halos hindi makilala matapos matusta nang buhay ay si Benedico Medina, residente ng Taylo St.., Brgy. Pio Del Pilar ng nasabing lungsod.
Nasugatan naman ang isang Pasay fire volunteer na kinilala sa pangalang Ryan Turing matapos mahirapan sa paghinga nang biglang nagbago ang direksiyon ng hangin papunta sa mga bumbero.
Sa report ng Makati City Fire Department, nagsimula ang sunog alas-12:22 kahapon ng hapon sa ikalawang palapag ng bahay ng pamilya Mercado-Medina sa nabaggit na lugar.
Dahil sa malakas ang hangin, mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang apat na katabing bahay na pawang gawa sa light materials.
Tinangka naman ng mga boarders na sagipin ang biktima, subalit naka-double lock umano ang pinto ng kuwarto nito.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago naapula ito bandang ala-1:41 ng hapon.
Aabot sa P200, 000 halaga ng mga ari-arian ang napinsala at inaalam pa ang sanhi ng sunog.