MANILA, Philippines — Lima katao kabilang ang isang minor na hinihinalang miyembro ng isang sindikato ng gunruning at iligal na droga ang nadakip ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa isang entrapment operation, kamakalawa ng hapon sa Navotas City.
Kinilala ni NPD-District Special Operation Unit (DSOU) head PCI Angelo Nicolas ang mga naarestong suspek na si Emmanuel Magos, alyas Tawe, 27,; Reymar Velasco, alyas Tano, 26, security guard; John Cedrick Largo, 18; Regie Cuevas, 18 at isa pang 17-anyos na binatilyo.
Sa ulat ng pulisya, alas-2 ng hapon nang ikasa ng pinagsamang mga operatiba ng NPD-DSOU at ng Navotas Police ang buy-bust operation para makabili ng baril sa mga suspek sa may Anthorium St. Brgy. NBBS matapos ang higit isang linggong surveillance operation.
Matapos iabot ng mga suspek sa isang undercover police na nagpanggap na poseur-buyer ang isang kalibre .9mm revolver kapalit ng P6000 marked money, nagbigay na siya ng senyales sa mga kasamahan.
Agad na sumugod ang mga operatiba at pinaligiran ang mga suspek na hindi na nakapalag o nagawang makatakbo. Bukod sa baril na naibenta at marked money, nakumpiska sa mga suspek ang pitong plastic sachet na naglalaman ng 54 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P200,000 street value.
Ayon sa pulisya, si Magos at Velasco ay kapwa miyembro ng “Bandamme Armed Group” na sangkot sa drug peddling at gun for hire syndicates na nag-ooperate sa CAMANAVA area.