5 magkakaanak timbog sa pot session

MANILA, Philippines — Magkakaanak hanggang kulungan.

‘Walang iwanan sa ere’ ang limang magkakaanak na sinasabing mga kilabot na ‘tulak’ ng droga matapos masakote ng mga otoridad sa aktong nagpa-pot session sa isinagawang drug-bust operation sa Quezon City, kahapon.

Kinilala ang pamilyang naaresto na sina Luzviminda Vinluan alyas ‘Minda,’ 49-anyos; Rolan Vinluan, 48; Timoteo Vinluan, 42;  Sandro Vinluan, 43;  Maria Luningning Vinluan, 29, at kanilang kapitbahay na si Mark Anthony Angeles, 39-anyos, pawang residente ng Brgy. Old Balara, QC.

Ang pamilyang Vinluan ay sama-samang binitbit matapos na magpositibo sa isinagawang  buy-bust operation ng mga tauhan ng Batasan Police Station, dakong ala-1:00 ng madaling araw sa  No. 175 Area 2, Luzon Ave., Brgy. Old Balara.

Nabatid na si Luzviminda lamang sana ang pakay ng mga otoridad sa ikinasang buy-bust, subalit naabutan ang iba pang kaanak nito at si Angeles sa aktong nagpa-pot session sa loob ng kanilang tahanan.

Una dito ay nakatanggap ang mga awtoridad na talamak ang pagbebenta ng shabu ng pamilyang Vinluan sa mga adik nilang kapitbahay kaya agad na nagsagawa ng pagmamanman ang mga pulis at nang magpositibo ay saka ikinasa ang buy-bust laban sa mga suspek.

Nabatid na sina Rolan Vinluan at Mark Anthony Angeles ay kabilang sa  Directorate for Intelligence (DI) watchlist, habang ang ibang kapamilya nito ay bago pa lamang pumasok sa iligal na aktibidad.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang anim na sachets ng shabu, drug paraphernalia at buy-bust money.

Show comments