Guilty sa graft
MANILA, Philippines — Hinatulan ng anim hanggang walong taong pagkabilanggo ng Sandiganbayan si dating Optical Media Board (OMB) chairman Ronnie Ricketts dahl sa kasong graft bunsod sa hindi umano tamang paghawak sa mga nakumpiskang pirated DVDs at VCDs noong 2010.
Ito’y matapos na mapatunayan ng Fourth Division ng Anti -graft Court na “guilty beyond reasonable doubt” si Ricketts. Kasama niyang nahatulan si dating OMB Enforcementy and Inspection Division computer operator Glenn Perez.
Pinayagan ng korte ang dalawa na makapagpiyansa ng tig-P30,000 para sa kanilang pansamantalang kalayaan habang nakaapela ang ruling ng kaso.
Agad namang nakapagpiyansa si Ricketts.
Bukod sa nabanggit na hatol, binawalan na rin ang aktor na pumasok o humawak ng anumang pwesto sa gobyerno.
Nakasaad pa sa desisyon na pinaboran ng aktor ang Sky High Marketing Corporation nang makumpiska ng OMB ang tone- toneladang pirated compact discs sa kanilang gusali sa Quezon City noong Mayo 27, 2010.
Sa nasabi ring araw ay pinakawalan at isinakay sa sasakyan ng kompanya ang mga nakumpiska sa halip na magsampa ng kaukulang kaso laban sa kompanya.