MANILA, Philippines — Bukas na ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) para tumanggap ng aplikasyon sa mga nais maglagay ng political ads sa mga pampasaherong sasakyan tulad ng jeep, bus at taxi.
Ayon sa LTFRB, bibigyan lamang ng permit ang mga PUVs kung susundin ang mga patakaran at mga alituntunin na itinatakda ng Commission on Elections (Comelec) para dito. Kung nais na maglagay ng political ads sa mga PUVs ay kailangang mag-aplay sa LTFRB para makakuha ng permit on transit advertisement at bayaran ang kaukulang fees para dito.
Nakasaad sa Memorandum circular 2015-029, ang mga lalabag o maglalagay ng political ads sa mga PUVs na walang permit sa LTFRB ay magbabayad ng multang P10,000 o makakansela ang prangkisa.
Alinsunod sa regulasyon ng Comelec, ang political ads ay dapat hindi lalaki sa 2x3 feet at ang stickers ay hindi lalaki sa sukat na 8.5x11 inches.
Natanggal ang ban sa paglalagay ng political ads sa mga PUVs noong 2015 dahil sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapawalang bisa sa Comelec resolution na nagbabawal sa mga propaganda materials sa mga pampasaherong sasakyan.