MANILA, Philippines — Naglabas na ng opisyal na listahan ng mga likidong maaaring payagan sa loob ng tren ang Department of Transportation-Metro Rail Transit 3, 'yan ay matapos ang mga banta sa seguridad kaugnay ng pagpapasabog sa isang simbahan sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng mahigit 20 katao.
Inilabas ang pahayag bunsod ng mga kritisismo kaugnay ng direktiba ng Philippine National Police na nagbabawal sa bottled drinks sa loob ng MRT-3, LRT-1 at LRT-2.
Ang sumusunod ay maaari nang mailusot sa loob ng MRT:
- Baby formula/breast milk sa bote para sa mga pasaherong may kasamang sanggol o maliit na bata
- Tubig ng sanggol o maliit na bata
- Lahat ng naka-reseta at over-the-counter na gamot
- Life-support at life-sustaining liquids tulad ng bone marrow, blood products at transplant organs
- Mga gamit sa katawan para sa medical at cosmetic reasons tulad ng mastectomy products, prosthetics breasts, bras o shells na may gel, saline solution at iba pa
- Gels o frozen liquids na kailangan para palamigin ang disability o medical-related items na ginagamit ng mga may kapansanan o karamdaman
Paliwanag ng pamunuan ng MRT-3, isasaoli naman daw ang mga kagamitang kinumpiska noong mga nakaraang araw matapos ang identification ng kanilang station supervisor.
Sinegundahan naman 'yan ng lines 1 at 2 Manila Light Rail Transit System o LRT sa Twitter.
Ang ipinagbabawal po ay anumang bottled drinks, maliban lamang sa mga inumin o likidong para sa sanggol at pang-medisina. Kung may mga inuming nasa tumbler, maaari itong ubusin bago pumasok ng istasyon.
— LRT1 (@officialLRT1) February 8, 2019
Hi, @joanne_perez! Exempted po ang breastmilk sa mga banned liquids na papayagan lamang kung kasama ang sanggol o bata. Salamat po. Have a safr trip!
— LRT2 (@OfficialLRTA) February 7, 2019
Nitroglycerin bombs
Ipinagbabawal pa rin ang lahat ng inumin at likidong hindi nabanggit sa listahan.
Ayon sa DOTr MRT-3, banned pa rin ang mga ito dahil maaari itong haluan ng kemikal na nitroglycerin upang maging pambasabog.
"Liquid bomb is composed of nitroglycerin. Nitroglycerin is composed of four components: carbon, nitrogen, hydrogen and oxygen. It's component in some relatively stable solid explosives, like dynamite. But, as a liquid, it is extremely dangerous and volatile," ayon sa kanilang paskil sa Facebook.
Aniya, "oily" at "clear" ang kemikal kung kaya't madali itong ilusot kung ilalagay sa bote ng lotion o shampoo.
Humingi naman ng paumanhin ang DOTr at MRT-3 sa publiko dahil sa kalituhan mula sa polisiya.
Gayunpaman, umaasa pa rin sila na makikipagtulungan sa kanila ang mga commuters.