MANILA, Philippines — Naaresto na kahapon ng mga tauhan ng Quezon City Police ang apat na suspek na sangkot sa pananambang at pagpatay kay Bagong Silangan Chair Crisell “Beng” Beltran at sa driver nito sa Quezon City.
Magkakasamang iniharap sa media nina NCRPO director Guillermo Eleazar, QC Acting Mayor Joy Belmonte, QCPD director Joselito Esquivel ang apat na suspek na sina Teofilo Formanes, 48, market inspector ng Commonwealth market at magkakapatid na Ruel Juab, 38, delivery boy; Orlando Juab, 32; at Joppy Juab, 28; pawang vendor sa naturang palengke.
Sa press conference, sinabi ni Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) head Elmer Monsalve na unang naaresto ng kanyang mga tauhan si Formanes sa likod ng naturang palengke matapos na kumpirmadong ituro ng mga saksi sa krimen na ito ang bumaril sa kapitana at driver nito.
Aniya, makaraang mahuli si Formanes ay inginuso nito ang mga kasamahan kaya sunud-sunod na naaresto ang magkakapatid na Juab sa No. 38 Steve St. Brgy. Commonwealth, kung saan nasamsam sa kanila ang sari-saring kalibre ng baril tulad ng 9mm pistol na may 12 bala, 38 revolver na may 5 bala, hand grenade at magnum caliber .22 revolver at apat na cellphones.
Dinakip din dahil sa kasong obstruction of justice sina Miguel Juab, 26; Mangmang Rasia, 26, at Boy Fernandez na sinasabing may alam din sa krimen.
Sinabi ni Monsalve na inamin din ni Formanes na isang Cosette Capistrano, 50, na nasa admin office ng Commonwealth market ang nagtatago ng mga armas ng iba pang mga suspek na kinilalang si Warren Juab, pinsan ni Capistrano.
Nang isagawa ang paghuli sa mga suspek, nakatakas ang mga suspek pang sina Warren Juab at Dutch Boy Bello na patuloy na pinaghananap ng pulisya.
Kinasuhan na rin ng obstruction of justices si Capistrano, kasama si Angelie Juab, 27, na asawa ni Warren,
Sinabi ni Eleazar na hindi pa niya maituturing na politically motivated ang krimen dahil hindi pa tapos ang kaso dahil may mga nakakawala pang mga suspek na kasama sa krimen.
Sa panig naman ni Belmonte, sinabi nitong ang P5-milyon na reward money na naaprubahan ng konseho ay nakatulong sa mabilis na paglutas ng kaso.
Nilinaw din niya na bubuo muna ng komite si Eleazar upang matiyak ang mga taong dapat pagkalooban ng reward.
“As you can see talaga namang witness sila sa kaso dahil nakita nila personally ang insidente dahil andun sila sa pinangyarihan ng krimen, kaya alamin nating mabuti kung sino ang mga pagkakalooban ng reward,” pahayag ni Eleazar.
Sinabi naman ni Monsalve na kilalang hired killer ang grupo ni Formanes dahilan na rin sa mga nagdaang mga kaso na kinasasangkutan ng mga ito na kahalintulad ng naganap kay Beltran.
Pinayuhan naman ni Belmonte ang mga politiko na huwag 100 percent iasa sa pulisya ang kaligtasan bagkus ay gumawa rin ng personal na pagkilos para mapangalagaan ang sarili laban sa mga nais magtangka sa kanila.
“Kailangan din nating magkaroon ng sariling pa-ngangalaga sa ating mga sarili at huwag nating iasa nang todo ang ating mga kaligtasan, dapat may ginagawa rin tayo,” dagdag ni Belmonte.
Sa kasong ito, bukod kay Beltran at driver na si Melchor Salita na namatay sa pananambang ay maayos naman umano ang kalagayan ng 3 iba pa na nadamay sa krimen.
Niliwanag ni Eleazar na not totally solve ang kaso at patuloy pa rin itong iim-bestigahan at patuloy ang paghahanap sa nalalabing takas na sangkot sa krimen.
Malabnaw pa anya na makumpirmang may kulay politika ang kaso dahil hindi pa tapos ang pagbusisi ng pulisya sa kaso.
Si Beltran at driver nito ay magugunitang inambus sa Brgy. Bagong Silangan noong Enero 30, 2019 habang sila ay sakay ng pu-ting Ford Everest (NDO-612) habang papunta sa isang pagpupulong.