MANILA, Philippines — Dalawang Chinese ang inaresto ng mga otoridad matapos nitong ikulong sa isang kuwarto sa isang hotel casino ang isa nilang kababayan dahil umano sa hindi pagbabayad ng utang, kamakawala sa Parañaque City.
Nakakulong ngayon sa Parañaque City Police ang mga suspek na sina Liang Zhao, 25 at Bengesan Hu, 26, nahaharap ang mga ito sa kasong Serious Illegal Detention.
Na-rescue naman ng mga otoridad ang biktimang si Guobin Yang, nasa hustong gulang.
Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente alas-3:15 ng madaling araw sa Novu Hotel, City Of Dreams (COD), na matatagpuan sa Aseana Avenue, Brgy. Tambo, Parañaque City.
Napansin ng security officer ng naturang hotel casino na si Marlon Magat Lalicon na mayroong kaguluhan sa pagitan ng biktima at mga suspek.
Dito nadiskubre ng security personnel na ikinulong ang biktima ng mga suspek dahil sa utang nito na may kinalaman umano sa casino.
Kung kaya’t kaagad na ini-report ito ni Lalicon sa pamunuan ng nabanggit na hotel casino at tumawag ng mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek at pakaka-rescue naman sa biktima.