MANILA, Philippines — Patay ang isang pulis-Maynila na nakatalaga sa anti-illegal drugs unit at kababata nito matapos pagbabarilin ng riding in tandem kamakalawa sa Makati City.
Dead on the spot ang mga biktimang sina PO1 Moises Reyan S. Llamas, 34, na nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit ng Manila Police District (MPD), at naninirahan sa Brgy. Tejeros, Makati City at ang kaibigan nitong si Miguelito Suello, 33.
Lumalabas sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente ala-1:00 ng madaling araw sa panulukan ng H. Santos at JP Rizal Sts., Brgy. Tejeros, Makati City.
Kasalukuyang umoorder sa tapsilugan si PO3 Llamas kasama ang kaibigan at kababatang si Suello nang biglang dumating ang isang motorsiklo na walang plaka lulan ang dalawang suspect.
Isa sa mga suspect ang bumunot ng baril at pinagbabaril ang mga biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan. Pagkatapos ng krimen ay mabilis na nagsitakas ang mga suspect patungong direksiyon ng J.P Rizal sa Brgy. Singkamas.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa pamamaslang habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.