MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang pagbaba ng bilang ng drop-outs sa kanilang lungsod makaraang palakasin ang programa para sa edukasyon sa mga kabataang Navoteño.
Ito ang inihayag ni Tiangco makaraang makopo ng lungsod ang “Galing Pook Award” isang buwan makaraang makuha rin ang “Seal of Good Education Governance award” buhat sa Department of the Interior and Local Go-vernment.
Sinabi ni Tiangco na napalakas nila ang programa sa edukasyon sa pamamagitan ng kanilang programang “Accessible, Holistic and Inclusive Education (ACHIEVE)” na nag-uumpisa sa ‘early childhood’ ng mga bata.
Nakapaloob sa ACHIEVE ang iba’t ibang pamamaraan sa maagang edukasyon kabilang ang First 1,000 Days, supplemental feeding, Kindergarten on Wheels, Youth and Kids Ministry, at Avot Tour.
May mga programa rin sila tulad ng “FUNtastic Fa-mily Day, Alternative Learning System (ALS) at Project Gabay Edukasyon para sa mga Mag-aaral na Wala sa Paaralan (GEM), NavotaAs Scholarship Program at iba pa.
Bukod sa pagbaba nga-yon ng mga “drop-outs”, tinukoy din ni Tiangco ang pagdami ng nakakapagtapos na matatanda at maging mga bilanggo na halos nawalan na ng pag-asa na magkaroon ng diploma sa pamamagitan ng ALS.