MANILA, Philippines — Isang lalaki na miyembro ng motorcycle riding-in-tandem criminals ang nasawi matapos makipagbarilan sa mga pulis sa ikinasang ‘Oplan Sita’, kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Dead-on-arrival sa Pasay City General Hospital sanhi ng ilang tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril ang suspect na tinatayang nasa 30 hanggang 35-anyos, katamtaman ang pangangatawan.
Habang mabilis namang nakatakas ang kasama nito na siyang nagmamaneho ng motorsiklong walang plaka.
Ayon sa hepe ng Pasay City Police na si Senior Supt. Noel Flores, naganap ang insidente alas-3:50 ng madaling araw sa panulukan ng Merville Access Road at N.H.A Housing, Brgy. 201, Zone 20 ng nasabing lungsod.
Kasalukuyang nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ o checkpoint ang mga tauhan ng Kalayaan Police Community Precinct (PCP) ng Pasay City Police sa nasabing lugar nang sitahin nila ang dalawang suspect na magkaangkas at sa halip na huminto ang mga ito ay pinaharurot pa ng mga ito ang kanilang motorsiklo.
Dito na hinabol ng mga pulis ang mga suspect hanggang sa nagpaputok ang mga ito ng baril.
Gumanti naman ang mga pulis at makalipas ang tatlong minutong palitan ng putok, duguang bumulagta ang suspect habang nakatakas naman ang kasama nitong lulan ng nasabing motorsiklo.