Tandem attack: 3 bebot utas

Sinisiyasat ng tauhan ng Taguig City Police ang isa sa tatlong babae na biktima ng pamamaril ng riding-in-tandem sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod ng Taguig kamakalawa ng gabi at kahapon ng umaga.
(Kuha ni Joven Cagande)

Sa lungsod ng Taguig

MANILA, Philippines — Patay ang tatlong kaba­baihan at sugatan ang isang lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Taguig City kamakalawa ng gabi at kahapon ng umaga.

Dahil sa walang ID, ina­a­lam pa ng pulisya ang pag­kakakilanlan ng mga nasawing biktima habang blangko pa rin ang mga otoridad sa pagkakakilan-lan ng mga suspek at nagsasagawa pa ng follow-up hinggil sa insidente.

Ayon sa Taguig City Police, unang naganap ang pa­mamaslang sa dalawang babaeng biktima dakong alas-7:20 kamakalawa ng gabi sa Marinduque St. sa Brgy. New Lower Bicutan.

Habang nakatayo sa isang lugar ang mga biktima nang bigla na lang sumulpot ang isang riding-in-tandem at walang kaabug-abog na niratrat ang dalawa na agad nilang ikinasawi.

Samantala, dakong alas-9:00 kahapon ng umaga nang rapiduhin din ng punglo ang isang babae at ang kasama nitong lalaki sa labas ng isang kilalang convenience store   sa Brgy. South Signal, Upper Bicutan ng isang di rin natukoy na riding-in-tandem.

Dead-on-the-spot ang babaeng biktima habang sugatan naman na isinugod sa pagamutan ang kasama nitong lalaki.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang pamamaril. 

Show comments