MANILA, Philippines — Dalawang Police Community Precincts (PCPs) commander at apat pang pulis ang pawang pinagsisibak dahil sa maruming istasyon at pag-abandona sa kanilang mga pwesto sa magkahiwalay na surprise inspection na isinagawa ng Northern Police District (NPD) at Eastern Police District (EPD) kamakalawa ng gabi.
Sinibak sa kanilang posisyon ang dalawang commanders ng PCPs ng Caloocan City Police makaraang abutan ni Northern Police District (NPD) Director, P/Chief Supt. Gregorio Lim na madumi ang mga istasyon at kapwa hindi nakasuot ng uniporme sa kanyang inspeksyon, kamakalawa ng gabi.
Ipinag-utos ni Lim ang pagtanggal sa puwesto kina Police Community Precinct 7 commander P/Sr. Insp. Rommel Ebarle at P/Sr. Insp. Cesar Binucal ng PCP 1. Kasalukuyang naghihintay pa ng desisyon kung sino ang ipapalit sa dalawang opisyal.
Ininspeksyon rin ni Lim ang PCP 2 ng Caloocan City Police at inabutan sina P/Sr. Insp. Dave Capurcos na katatapos lamang magsagawa ng Oplan Galugad saka isinunod ang pagtungo sa PCP2 ng Malabon City Police.
Samantala, sinibak din sa kani-kanilang puwesto ang apat pang tauhan ng Eastern Police District (EPD) makaraang abandonahin ang kanilang binabantayang puwesto at mahuling gumagamit ng cellphone habang naka-duty sa trabaho.
Iniutos kahapon ni EPD Director P/Chief Supt. Alfred Corpus na i-relieved sa puwesto sina PO1 Dave Vacunawa, PO1 Antonio Mendoza na nagse-cellphone habang naka-duty sa southbound ng Metro Rail Transit (MRT) sa Ortigas, Mandaluyong City at sa southbound ng Parklea, habang sina P01 Aquilino Batoy Jr. II at P01 Arnel Eluterio naman ay nahuli ring gumagamit ng cellphone at inabandona pa ang kanilang pwesto sa southbound ng EDSA Boni (South Bound) dakong 6:36 naman ng gabi.
Batay sa ulat ni P/Senior Supt. Cresenciano Landicho, force commander ng District Mobile Force Batallion (DMFB) ng EPD, bago ang pagsibak ay nagsagawa ang DMFB Intel Operatives ng covert monitoring sa kanilang mga personnel, na naka-deploy para sa OPLAN Buhos sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) sa area ng Mandaluyong City.
Muling pinaalalahanan ni Corpus ang kanyang mga tauhan na tiyaking tumatalima sa kanilang tungkulin.
Babala pa niya, hindi nila kukunsintihin ang mga ito at tiyak na papatawan ng kaukulang disciplinary action, kung mahuhuling may paglabag sa anumang direktiba ng Philippine National Police.