MANILA, Philippines — Kabilang ang National Archives na may mahahalagang dokumento at Land Management Bureau ang naabo sa sunog na sumiklab sa Binondo, Maynila kahapon ng madaling araw at tumagal hanggang hapon.
Nasa apat na matataas na gusali ang nasunog na kinabibilangan ng residential building na Moraga Mansion, Bank of the Philippines Island Building, at Juan Luna Buil-ding kung saan naroroon ng National Archives.
Habang isinusulat ang balitang ito ay may isa pa umanong gusali ang nadamay na rin sa bandang likod habang patuloy ang pagsiklab na ayon kay Supt. Jonas Silvano, Manila Fire Marshall, ay nakataas pa rin sa Task Force Charlie.
Nabatid na alas-12:30 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy sa ikapitong palapag ng gusali ng Land Ma-nagement Bureau sa Plaza Cervantes, Binondo, malapit lamang sa gilid ng Pasig River.
Nabatid na ang National Archives ay nasa Juan Luna Building kung saan nakalagak ang mga mahahalagang dokumento na nagsimula pa noong 16th century.
Gayundin ang naging pahayag ni Atty. Emilyn Talabis, direktor ng Land Management Bureau matapos masunog umano ang mga rekord ng mga titulo ng lupa bagamat digitized naman umano ang mga records na maaring marekober.
Nakatulong ng malaki sa pag-apula ng apoy ang tubig mula sa Ilog Pasig subalit nahirapan pa rin ang mga bumbero dahil sa matataas na bahagi ng gusali ang nasusunog na kumakalat sa iba pang palapag.
Dalawang fire volunteers at isang miyembro ng Bureau of Fire Protection ang sugatan bagamat minor injuries lamang ang tinamo.
Hindi pa tukoy ang sanhi ng apoy at kung magkano ang halaga ng natupok na ari-arian.