Kandidatong kagawad ‘di na nakaboto, patay sa atake

MANILA, Philippines — Hindi na nagawang makaboto at hindi na rin malalaman pa kung siya ay nanalo makaraang isang  62-anyos na kandidato bilang barangay kagawad ang nasawi nang atakehin sa puso habang naghahanda sa pagtungo sa polling precinct para bumoto sa Brgy. elections  sa Quiapo, Maynila,  kahapon ng umaga.

Sa naging pahayag ni Manila Police District-Chief District Directorial Staff (CDDS) Senior Supt. Danny Macerin,  binawian ng buhay si Felino Baligod, kandidato para Kagawad ng Brgy. 390, Zone 40, District 3,  sa Quiapo, Maynila.

Sa impormasyon, naghahanda na para bumoto ang biktima alas -6:55 ng umaga nang biglang manikip ang dibdib habang nasa loob pa ng kaniyang bahay sa Licauco St., Quiapo.

Isinugod siya sa Ospital ng Sampaloc subalit idineklarang dead on arrival sanhi umano ng cardiac arrest.

Nabatid na alas-7:00 ng umaga nang magsimula ang botohan kaya maaga sanang magtutungo ang biktima subalit hindi pa man opisyal na nagsisimula ay inabot na siya ng kamatayan kaya bigo na rin na malaman niya kung siya ay magwawagi sa eleksiyon. (Ludy Bermudo with trainee Vanessa Lenn Galuza )

Show comments