MANILA, Philippines — Timbog ang isang notoryus na ‘Jumper Boys’ na itinuturing na top 7 most wanted person ng Manila Police District-District Intelligence Division nang inguso sa mga awtoridad na nagtatago ito sa loob ng sementeryo sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng hapon.
Sa ulat ni Chief Insp. Rolando Armendez, hepe ng MPD-Warrant Section, kinilala ang suspect na si Ronald Clarit, alyas Ron-ron, 25, nakatira sa loob ng Manila North Cemetery. Nadakip ito pasado ala-1:00 ng hapon kahapon sa gilid ng barung-barong na nasa tabi ng mga nitso.
Eksaktong umuwi si Clarit sa kaniyang tinutuluyan para kumain ng tanghalian kasama ang anak at kinakasama nang ituro sa grupo ni Armendez.
Ani Armendez, alas-7:00 ng umaga nang magbantay na sila sa sementeryo upang arestuhin si Clarit base sa hawak nilang warrant of arrest mula sa Quezon City Regional Trial Court Branch 81 sa kasong 2 counts of robbery kaugnay sa pagsampa sa sasakyan na bumabaybay sa A. Bonifacio Drive sa QC, nang hindi alam ng driver at nakatangay ng cellphone at iba pang gamit.
Miyembro si Clarit ng ‘Jumper Boys’ o ‘Spidermen’ na ang modus ay sumampa sa mga trak, bus at delivery at container van habang hindi napupuna ng driver at pahinante at tinatangay ang mapapakinabangan bago tumatalon habang tumatak-bo ang sasakyan.
Noong nakalipas na Oktubre 2017 nang isyuhan ng warrant of arrest si Clarit subalit nakapagpiyansa at di na lumutang sa korte.
Nabatid na noong nakalipas na buwan nang may magtimbre kay Armendez na madalas makita sa semen-teryo si Clarit na nasa talaan ng MPD-DID most Wanted Person.