MANILA, Philippines — Simula kahapon, nakakabili na ng mas murang bigas ang mga taga-National Capital Region (NCR) na may halagang P39 kada kilo.
Ang pagbebenta ng murang bigas ng mga rice traders ay resulta ng ginawang pakikipag-usap kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng rice traders, millers at retailers sa bansa na matulungan ang pamahalaan na makabenta ng mas murang commercial rice para sa mamamayan habang hinihintay ang replenishment ng buffer stock ng bigas ng National Food Authority (NFA).
Kahapon, may 10 trailer trucks ang nai-deliver ng mga rice traders ng Nueva Ecija sa NFA Visayas Warehouse para ipamahagi sa mga accredited retailers.
Ang may 5 hanggang 8 iba pang trucks ay idi-deliver sa mga designated market destinations sa NCR.
Una nang naibebenta ang murang commercial rice sa Baclaran at mga palengke sa Quezon City partikular sa Commonwealth, Litex, Sila-ngan at Payatas gayundin sa Tondo Talipapa.
Ang iba pang palengke sa NCR ay magbebenta ng murang commercial rice simula sa April 18.
Ang bawat service outlets ay may tarpaulin streamer na “Tulong sa Bayan” at nakasaad dito ang halaga at uri ng ibenebentang bigas.
Ang hakbang na ito ay joint project ng Office of the President, Confederation of Grains Retailers Association of the Philippines, Inc. (GRECON), Philippine Confederation of Grains Associations (Philcongrains) at NFA.
Sa ngayon, ang NFA ay nagsasapinal na sa Terms of Reference (TOR) para sa agarang pag-angat ng 250,000 metric tons ng bigas na naaprubahan ni Pangulong Duterte upang makapagbenta ulit ang NFA ng murang bigas na P27 at P32 kada kilo sa ibat ibang pamilihan sa bansa.