MANILA, Philippines — Hinikayat kahapon ng Department of Health ang pamahalaang lunsod ng Maynila na pagbawalan ang mga tao na lumangoy sa Manila Bay para maiwasan ang mga sakit na karaniwang naglalabasan sa panahon ng tag-init.
“Naniniwala kaming dapat dagdagan ng pamahalaang-lokal ang seguridad sa mga lugar sa paligid ng Manila Bay,” sabi ni Health Secretary Francisco Duque.
Dahil panahon na ng tag-init, maraming tao ang inaasahang mamamasyal sa Manila Bay hindi lang para manood sa paglubog ng araw kundi lumangoy din sa maruming karagatan nito.
Sinabi ni Duque na dapat dagdagan ng pamahalaang-lokal ang pagsisikap na mapagbawalan ang sino man na mag-swimming sa Manila Bay para hindi sila dapuan ng mga sakit na nakukuha sa maruming tubig nito. Pinuna niya na ang Manila Bay ay puno ng mga human at industrial wastes.
“Marami ang lumalangoy sa maruming bahagi ng tubig at maaari silang dapuan ng mga sakit na tulad ng diarrhea, cho-lera, typhoid at dysentery,” diin ng kalihim.