Kelot na-praning, sinunog ang sarili

MANILA, Philippines — Tustado na nang matagpuan ang isang lalaki na sinunog umano ang sarili sa ikalawang palapag ng bahay ng kanyang kapitbahay sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ang nasawi na si Renato de Jesus  alyas “Kulot”, tinatayang nasa 40-an­yos, residente ng Ma. Guizon St., Gagalangin, Tondo.

Sa ulat ng Arson Division ng Manila Fire Bureau, naganap ang insidente dakong alas-9:58 sa ikalawang palapag ng No. 728 Ma. Guizon St., Gagalangin, Tondo, na inuupahan ng isang JR Ferrer. Bigla na lamang umanong pinasok ni De Jesus  ang bahay ni Ferrer na may hawak ng martilyo  kaya nagulat ang huli at kanyang pamilya.

Kakaiba umano ang inaasal ni De Jesus na balisang-balisa na pinagsabihan pa sila na huwag silang dudungaw sa bintana dahil may humahabol sa kanya. Nang matakot ay kusang nagbabaan ang pamilya ni Ferrer.

Habang nasa labas ng bahay, nakita nila na may usok na nagmumula sa kanilang bahay  hanggang sa mabilis na lumaki ang sunog.

Umabot lamang ng 30 minuto ang sunog na umakyat sa unang alarma at naapula dakong alas-10:16 ng umaga.

Nabatid din na kakaiba ang ikinikilos ni De Jesus, may dalawang araw na at uminom pa umano ng muriatic acid bago ang pagsunog sa sarili.

Show comments