3 MMDA personnel na nambugbog sa buko vendor, sinuspinde

MANILA, Philippines — Isinailalim na kahapon sa preventive suspension ang tatlong miyembro ng Metropolitan Manila Deve­lopment Authority (MMDA) Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) matapos umanong gulpihin ng mga ito ang isang buko vendor noong Biyernes ng hapon sa Pasay City.

Sa isang pahinang memorandum na nilagdaan ni MMDA Chairman Danilo Lim, pinatawan nito ng  15 araw na preventive suspension ang tatlong tauhan sang­kot sa insidente ng bugbugan.

Hindi naman  pinangalanan ni MMDA acting general manager Jojo Garcia ang mga ito dahil sa isinasagawa nilang imbestigasyon hinggil dito.

“We will never tolerate this kind of action for whatever reason from our personnel,” ani Garcia.

Subalit, noong nakaraang Sabado sa pamamagitan ng tagapagsalita ng MMDA na si Celine Pialago, kinilala nito ang dalawang sangkot sa insidente na sina Victor Jimenez, team leader at Leonard Mojica.

Bukod sa suspension, ang tatlo aniyang MMDA-SCOG personnel ay sasailalim sa drug test.

Matatandaan, na noong Marso 2 (Biyernes), alas-2:30 ng hapon sa footbridge ng Northbound lane, EDSA, Evangelista, Pasay City, nagsagawa ng clearing operation ang MMDA at dito ay pinapaalis nila ang buko vendor na si Romnick Relos, dahil sa nakahambalang ito sa daraanan ng mga pedestrian.

Subalit ang naturang clearing operation ay nauwi sa komosyon makaraang dito na aniya naganap ang panggugulpi kay Relos, na halos mamaga ang mukha sa suntok.

Sabi ng MMDA, paulit-ulit na aniyang pinaaalis ang naturang buko vendor, subalit makulit ito at nagtitinda pa rin at nagkakalat pa ng mga pinagbalatan ng buko sa naturang lugar, na para bagang siya pa ang matapang, na ang madalas aniya ang naglilinis ng kalat nito ay ang mga taga-MMDA.

Ang naturang komosyon ay nauwi sa gulpihan at dahil dito, isang netizen ang nag-post ng video sa social media hinggil sa insidente.

Desidido aniya ang naturang buko vendor na sampahan ng kaso ang mga MMDA na sangkot sa panggugulpi. Nilinaw ni Garcia, na hindi aniya anti-vendor ang MMDA dahil kailangan naman nilang mabuhay at kumain, subalit dapat aniya ay nasa tama ang kanilang ginagawa.

Show comments