MANILA, Philippines — Kusang nagtungo sa Manila Police District-Homicide Section ang isang miyembro ng Smokey Mountain-Police Community Precinct (PCP) matapos siyang tukuyin na nagpaputok ng baril nang sawayin ang makukulit na tambay sa gilid ng slaughterhouse noong Biyernes ng gabi (Marso 2).
Nasa kustodiya ngayon ng MPD-Homicide Section si PO2 Omar Malinao Formentera, nakatalaga sa Smokey Mountain PCP, ng MPD-Station 1 para sumailalim sa interogasyon habang ang isinukong 9 mm service firearm Glock ay isinailalim na sa ballistic para alamin kung ang bala nito ang nakuha sa katawan ng nasawing si Aldrine Pineda, 13 anyos, grade 6 pupil at residente ng Unit 309 Building 8, Katuparan, Vitas, Tondo, Maynila.
Gayunman, pansamantalang hindi pa itinuturing na suspek si PO2 Formentera, ayon kay Chief Inspector Rommel Anicete, hanggat hindi pa lumalabas ang resulta ng eksaminasyon sa baril at paraffin test.
Nang araw na maganap ang insidente ay nakatalaga bilang area police security sa nasabing lugar ang pulis at nagmomonitor din umano sa mga intruder na nagnanakaw ng bakal.
Nabatid na may dalawang lalaki na nang-aasar sa nagpa-flashlight na lalaking nagse-secure sa lugar habang nakaupo naman sa konkretong bakod ang biktima nang biglang may umalingawngaw na putok kaya napatayo ang bata at doon na siya tinamaan ng bala sa tiyan.
Nagawang makapagsumbong sa ina ng bata na nagsugod sa kaniya sa pagamutan subalit bigo nang maisalba.
Kasama ni PO2 Formentera ang kaniyang PCP commander na si Senior Inspector Dave Abarra nang magtungo nitong Sabado ng hapon sa MPD headquarters.
Madilim umano ng gabing iyon kaya may hawak na flashlight ang pulis at nadapa pa ito kaya pumutok umano ang baril.