MANILA, Philippines — Isang dating miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang nasawi sa traslacion ng Itim na Nazareno habang naging matagumpay naman ang ipinatupad na seguridad na naging mapayapa sa pangkalahatan.“The Traslacion which started from 5 am ( Tuesday ) at the Luneta grandstand to 3 am the next day has been generally peaceful until the Black Nazarene was home at Quiapo Church,” deklara ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde sa press briefing sa Camp Crame kahapon.
“With over 7.6 million devotees who braved the day, we have recorded no major security and untoward incident,” ani Albayalde na sinabing mas higit na naging maayos at mabilis ng mahigit 2 oras ang ginanap na traslacion kumpara noong nakalipas na taon.
Sinabi ni Albayalde na isang dating opisyal ng BJMP ang inatake sa puso matapos na dumaing ng paninikip ng dibdib nang makahawak sa andas habang isinasagawa ang traslacion ng Itim na Nazareno kung saan binawian ito ng buhay sa Jose Reyes Hospital.
Sa viber message ay nilinaw naman ni BJMP Spokesman Chief Inspector Xavier Solda, na ang nasawing biktimang si Senior Jail Officer 4 (SJO4) Ramil dela Cruz ay tinanggal na sa serbisyo noon pang Agosto 31, 2017.
“We wish to clarify also that based on our records, he has dropped from rolls last August 31, 2017 due to absences without official leave (AWOL). His last assignment is at Metro Manila District Jail in Camp Bagong Diwa, Taguig City,” ayon kay Solda.
“It is with deepest regrets that our former colleagues, SJO4 Ramil dela Cruz died during the traslacion. Nakikiramay po kami sa pamilya ng aming dating kasamahan,” anang opisyal.
Sinabi ni Albayalde na naging matagum-pay ang pagpapatupad ng seguridad ng idi-neploy na 5, 613 pulis ng NCRPO, katuwang ang mahigit sa 1, 400 mga sundalo ng AFP Joint Task Force-National Capital Region (AFP-JTF-NCR) bukod pa sa iba pang Task Force multipliers.
Pinasalamatan naman ni Albayalde ang mga pulis, sundalo, iba pang task force multipliers at ang lahat ng mga grupong nagkaisa para sa matagumpay na Traslacion na mas mabilis ng mahigit dalawang oras kumpara noong nakalipas na taon.
Nabatid na ang Traslacion ay tumagal ng 22 oras, dalawang minuto at 35 segundo. Samantalang, ibinalik na rin nitong Miyerkules ng umaga ang signal ng mga mobile phones sa lungsod ng Maynila at mga karatig lugar na pansamantalang pinutol para sa seguridad sa kautusan ng National Telecommunications Communications habang ginaganap ang Traslacion ng Itim na Nazareno.