MANILA, Philippines — Mahigpit na ipatutupad ng Manila Police District (MPD) ang 48-oras na gun ban na magsisimula sa Enero 8 hanggang 10 bilang dagdag na seguridad sa traslacion ng Itim na Nazareno.
Ito ang sinabi ni MPD director, Chief Supt. Joel Coronel sa isinagawang press briefing sa Minor Basilica sa Quiapo kahapon ng umaga.
Simula aniya, alas- 12:00 ng madaling araw ng Enero 8 ay suspendido na ang permit to carry ng baril sa buong Maynila, maliban lamang sa mga unipormadong personnel tulad ng kapulisan at sa mga nagbibigay ng seguridad sa Pangulo at mga gabinete.
Pinayuhan ni Coronel ang iba pang nagbibitbit ng baril na iwasan na lang ang lungsod sa loob ng itinakdang mga oras.
Kabilang din sa hakbangin ng seguiridad ang pagdedeklara ng Civil Aviation Autho-rity of the Philippines (CAAP) ng “no fly zone for drones and aircrafts” sa mga ruta ng Traslacion, sa tapat ng Quirino Grandstand at sa Minor Basilica o simbahan ng Quiapo.
Inirekomenda rin ni Coronel kay Manila Mayor Joseph Estrada ang pagpapatupad ng liquor ban simula alas- 6:00 ng gabi ng Enero 6 hanggang alas 6:00 ng umaga sa Enero 10 sa bisinidad ng Traslacion.
“This will cover the temporary ban on the sale, distribution, and consumption of alcoholic beverages within the 500 meter radius of the vicinity of the route, Quirino Grandstand, and Quiapo Church,” paliwanag ni Coronel.
Related video: