MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ng ex-beauty queen at aktres na si Maria Isabel Lopez na hindi siya ISIS o terrorist noong siya ay pumasok sa ASEAN lane sa Edsa kaya huwag umano siyang i-single out na parusahan.
Si Lopez ay dumating sa LTO-Law Enforcement Service Office ni Director Francis Ray Almora kasama ang mga abogadong sina Katherine Panguban at Maria Sol Taule kahapon dakong alas-10:00 ng umaga.
Ayon kay Lopez, hindi naman umano niya intensiyon na lumabag sa security protocol sa pag-alis ng traffic cones at dumaan sa lane sa Edsa para sa mga delegates ng ASEAN.
“Hindi ako ISIS o terrorist na nakapasok doon kaya sana ‘wag ako ma-single out kasi hindi lang naman ako mag-isang pumasok doon,” sabi ni Lopez.
“Alam mo sinabi ko naman sa kanila na ang intention ko is simply not to breach the security because I was talking to an MMDA official. If there is an intention to breach security I wouldn’t have to talk to him. You will just go ahead and do what you want,” paliwanag ni Lopez. “Plus, siyempre, once again I’m apologizing to the people I have inconvenienced, ‘yung public, those people who missed their flights. It was a lapse of judgment on my part.”
Inihayag pa ni Lopez na kung anuman ipapataw na parusa sa kanya ay bigyan umano siya ng senior citizen’s discout.
“Sana naman kung anuman ‘yung papataw sa akin na penalty, bigyan naman ako ng senior citizen discount na 20 percent,” anang aktres.
Sa panig naman ng LTO, hindi umano iginalang ni Lopez ang traffic sign, security protocol sa 31st ASEAN Summit, at nilabag ang Anti-Distracted Driving Act.
Ayon kay Atty. Almora, “improper person to operate a motor vehicle” si Lopez dahil inilagay nito sa kapahamakan ang kaligtasan ng publiko at government property.
Sinabi ni Almora, hindi pa makapagbigay ng desisyon ang LTO sa insidente dahil hindi nagsumite ng petition paper si Lopez.
“So we have to require them to submit ‘yung formal po na position paper po nila until this afternoon. At kanilang ilalabas ang desisyon limang araw kapag natanggap na namin ang petisyon ni Lopez,” pahayag pa ni Almora.
Una rito ay ipinagmalaki pa ng 1982 Binibining Plipinas Universe at ipinost pa sa kanyang facebook at instagram accounts ang pagtanggal niya sa traffic cones sa EDSA upang magamit niya ang ASEAN lane at maiwasan ang matinding traffic, noong Sabado, Nobyembre 11.