MANILA, Philippines — Nag-alok ang Department of Justice (DOJ) na mapasailalim sa provisional cove-rage ng Witness Protection Program (WPP) ang mga magulang ng 14-anyos na binatilyo na si Reynaldo De Guzman na natagpuang tadtad ng saksak sa katawan sa Gapan, Nueva Ecija.
Kasabay naman nito, ini-utos ni DoJ Secretary Vitaliano Aguirre sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pagkapa-tay kay De Guzman at Arnaiz.
Si De Guzman ang huli umanong nakasama ni Carl Arnaiz nang mapatay ang huli ng mga pulis-Caloocan matapos umanong manlaban nuong August 18.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, nakatanggap siya ng impormas-yon na natatakot ang mga magulang ni De Guzman kaya inalok niya ang mga ito na mapasailalim sa WPP. Wala pang impormasyon kung ano ang naging tugon ng mga magulang ni De Guzman.
Sinabi ni Aguirre na handa rin siyang mamagitan kung nanaisin ng mga magulang ni De Guzman na makausap si Pangulong Duterte para personal na hilingin na mabigyan ng hustisya ang brutal na pagpatay sa kanilang anak.
Samantala, base sa inisyal na resulta ng autopsy report na isinagawa ng NBI-Forensics Division, lumalabas na 26 na saksak ang tinamo ni De Guzman.
Sinabi ni Aguirre na inaalam na lamang kung ang pitong saksak sa dibdib ng bata ay ginawa bago o pagkatapos nitong paslangin.
Samantala, nag-alok kahapon ng P200,000 reward si Gapan City, Nueva Ecija Mayor Emerson Pascual para sa sinumang makapagtuturo sa mga killers ni de Guzman na ang bangkay nga ay itinapon sa kanilang lungsod.
“Kung sino man ang makakapagturo kung ano ang plate number, anong sasakyan, o nakakakilala doon sa tao, kung sino man ang nagtapon kay Kulot, magbibigay ako ng P200,000 reward”, anang alkalde na aminadong kasiraan sa peace and order ng kanilang lungsod na ginawa pang dumping site ng pinaslang na biktima.
Sinabi ng alkalde na bagaman hindi residente ng Gapan City ang pamilya ni Kulot ay nais lamang niyang makatulong sa pamilya nito na naghahanap ng hustisya.